ANG LABING-TATLONG RUROK NG BUNDOK BATULAO

Image

 

Peak 1 = Mabilis ang mga pangyayari.

Linggo ng umaga, Agosto 26, nang maalala kong nagyaya ang kaibigan kong si Karah na umakyat ng bundok sa petsang ito.  Nagtaka ako na wala man lang akong natatanggap na kahit isang text message mula sa kanya o sa iba pang kaibigan na sasama dapat sa pag-akyat.  So ano, tuloy pa ba?

Naisip kong magpadala na ng mensahe, “Karah, akala ko aakyat?”    Inakala kong ang isasagot niya ay ‘huwag muna ngayon’ o ‘saka na’ o ‘ay nakalimutan ko’.

Nguni’t sa sobrang bilis ng mga pangyayari, natagpuan ko na lamang ang sarili ko sa isang establisyimento sa Quezon Avenue, mga alas-kwatro ng madaling-araw kinabukasan.

 

Peak 2 = Sarado ang Mcdo Quezon Ave.

Napagpasyahan namin ni Karah, kasama ang lima pa sa aming mga kaibigan na tumuloy sa pag-akyat at magkita sa Mcdo Quezon Ave bandang alas-kwatro ng umaga ng Agosto 27, Lunes.

‘Pag baba ko ng bus galing Novaliches, nagulat ako na sarado ang Mcdo sa may Quezon Avenue Station ng MRT.  “Cleaning” ang nakapaskil sa kanilang salamin na pinto.  Sa tanang pagpunta ko dito tuwing madaling-araw, bilang madalas dito ang meeting place ng mga pull-out ng mga shoot, ngayon ko lang nakitang sarado sila para maglinis. Weird.

So ano, tuloy pa ba?  Kaya sa halip tumambay ako sa 7Eleven.  Dumating ang aking mga kaibigan, may dalawang hindi na makakasama, at kami’y sumakay na ng bus patungong Nasugbu, Batangas.

 

Peak 3 = Hamog.

Sa aming pagbaba sa bus, ito ang tumambad sa amin.

Image

Nasa highway pa lamang kami, malayo pa sa mismong paanan ng bundok, ay sinalubong na kami ng hamog. So ano, tuloy pa ba?  “Oo, mamaya wala na ‘yan, maaga pa kasi,” ang sambit ng isa sa amin.

Dumating kami sa Evercrest Golf Course mag-aalas-siyete ng umaga.  Sumakay kami ng tricycle at ibinaba kami ni Manong Drayber sa isang maputik na daan.

 

Peak 4 = Putik. 

“Maputik po talaga kasi umulan pero safe naman pong umakyat.”  Ito ang mga salitang iniwan sa amin ng tricycle driver matapos naming maibigay ang aming mga pamasahe.

Putik sa pataas na daan. Nadulas ang kaibigan kong si Jenny.  Putik sa pababang daan. Ako naman ang dumulas.  Putik na may mga bato.  Ngumanga na ang sapatos ni Jenny.  Putik na tumigas na.  Napaupo naman ako.  Putik na tila kumunoy. Lumubog ang sapatos ni Jenny at sa kanyang paghugot nito ay natanggalan na ito ng suwelas.  Putik na halos hinulmang parang hagdan. Kinailangan ko nang pumulot ng tungkod sa paligid.  Putik na bilug-bilog na… teka, putik pa ba ‘to? O kulay putik na lang? Marami pa namang kabayo sa paligid.

Noong umalis ako ng bahay, kulay puti ang sapatos ko. Matapos sumuong sa Mud Pie Festival ng Nasugbu, Batangas, ganito na ang itsura ng aming mga sapatos.

Image

So ano tuloy pa ba?  “Kaya ‘yan! Huwag lang uulan!” ang sabi naman ng kaibigan kong si Tim.

 

Peak 5 = Ulan. 

Sa aming pakikipagbuno sa malambot na putik, bahagyang nakasilip ang sikat ng araw mula sa makapal na hamog.  Nagdiwang ako, “Ayan na ang sun! I love you Sun!”  Nguni’t tila masamang nababati ang araw sa Nasugbu dahil maya-maya lamang ay bumuhos ang ulan.  “Hindi hihinto ‘yan.  Matagal pa ‘yan,” ang sabi ng aming trek guide na si Kuya Gerry.

So ano tuloy pa ba?  “Tara! Malayo na tayo para bumalik pa,”  ang aming napagdesisyunan habang isinusuot ang aming mga kapote ala North Face Jacket ala Hyper Vent Garbage Bag-inspired rain gear.

Lumakad kami sa ulan hanggang sa malampasan ang mga kabahayan at nagsimulang umakyat ng bundok.

 

Peak 6 = Makitid na daan.

Image

Dumating kami sa isa sa mga peak. Akalain mong naka-Peak 6 na pala kami na ang sabi ni Kuya Gerry ay nasa Peak 2 pa lang kami.

Image

Makikitid ang mga daan patungo at pagkalagpas ng Peak 6.  Halos isang talampakan lamang ang lapad ng bawat daan, at bangin na ang magkabilang gilid.  Balanse ang pangunahin naming sandata nguni’t tila mahirap lang talagang kalaban ang putik.  Samahan pa ng matatalim na talahib na humihiwa sa aming mga balat sa bawat hakbang.

So ano tuloy pa ba? Nangangalahati na kami sa aming paglalakbay.  Siguro ito na ang tinatawag nilang “Point of No Return”.

 

Peak 7 = Brunch.

Image

Alas-nuwebe y medya na ng umaga nang kami ay dumating sa camp site.  Doon ay kinalabit kami ng kaibigan naming ang pangalan ay ‘Gutom’.  At dahil kaibigan namin siya, hindi namin siya binigo.

Naghanap si Tim ng bulalo. Sabi ng ate na nandoon, “Cup noodles po meron.”

“E adobo ate?”, ang muling tanong ni Tim. “Ayun o lumilipad pa. “, sabay turo ni ate sa buhay na manok na tumalon mula sa bakod.

Sumali si Karah sa usapan, “Saan galing ‘yung manok?” Isang kuya pa ang nakisabad, “Sa itlog iha.”  At mula noon, gusto nang tumira ni Karah sa bundok na ito.

So ano tuloy pa ba? Tuluy na tuloy!

 

Peak 8 = May Namatay na Rito. 

Nagsimula kaming lumakad muli, na nagtatawanan.  Masaya naming iniwan ang camp site at tumungo sa Peak 8.

Image

Nahirapan kaming maka-recover sa pagre-recharge na gawa ng hotdog at chicken nuggets ni Karah; chopsuey ni Jenny; pork and beans ni Tim; Tuna Paella ko; malaking appetite ni Paul; at nakakaaliw na banat nina Ate at Kuyang may-ari ng mga manok.  Kaya sinamantala ni Kuya Gerry ang aming kasiyahan at biglang sinabing, “Nabalitaan n’yo ‘yung namatay dito? Dito siya nahulog.”  Patuloy sa pagkukwento si Kuya Gerry na noong una ay tinatawanan pa namin, “Umakyat siya doon tapos nag-picture e nawalan ng balanse. Ayun. Nakita na lang naming gumugulong siya diyan.”  Nandoon pa rin ang momentum ng aming tawanan pero sa loob-loob namin, “Kuya, tinatakot mo ba kami?”

So tuloy pa ba?  Oo, parang EDSA lang ‘yan. Kahit may nakasulat na ‘May namatay na rito’, tuloy pa rin sa pagtawid ang mga tao.  

 

Peak 9 = The Sole-less Woman

Image  

Sa kasagsagan ng muling pag-ulan at muling pagbibigay serbisyo ng aming iba’t ibang klaseng rain gear, tila mayroong isang tinig na hindi namin narinig, or at least ni Jenny. At sa sobrang pagbabalewala namin sa maliit niyang boses na natatabunan ng tunog ng ulan, hindi na niya nakayanan at tuluyan na siyang bumitiw at humiwalay.  Tila hindi na kinaya ng isa pang suwelas ng sapatos ni Jenny ang mabilis na mga pangyayari.  Nangungulila na pala ito doon sa isa pang suwelas na nauna nang bumaon sa putik kaya naisipan na rin nitong humiwalay na ng tuluyan.

So, Jenny, ano tuloy pa ba? “Oo tuloy pa rin! Sige lang nang sige hangga’t hindi pa medyas mismo ang sumasayad sa lupa!  Kahit gaano pa katarik ‘yan!”, ang sagot niya sabay labas ng kanyang mga ngipin na puno ng halos kalalagay pa lamang na mga bakal.  

 

Peak 10 = Matarik na batuhan.

Matarik. Oo. Mas matarik pa sa mga tawa namin sa naiwang suwelas.

Image

Dumating kami sa isang parte ng bundok na may bato.  Actually, para siyang isang napakalaking bato na inilagay sa gitna ng aming daraanan patungo sa susunod na peak.  Nang makita ko ito, inisip ko kung paano namin ito tatawirin.  Tila nadinig ng langit ang aking tanong kaya’t daglian itong nagpadala ng biswal na demonstrasyon.  Pinatabi kami ni Kuya Gerry dahil mayroon daw kaming mga kasalubong.  Maya-maya lamang isang grupo ng mga kalalakihan na taga-New Manila raw ang nagpakita sa amin kung paano tawirin ang matarik na batuhan.  Ang ikinamangha ko sa kanila, para silang nagwo-wall climbing na may mga bitbit na sobrang bibigat na mga gamit.  Galing sila ng camping at hindi raw sila binalikan ng kanilang porter.

Rock climbing? So ano tuloy pa ba? Umuulan na! Game pa rin! Kahit pa isang maling hakbang o hawak lang namin ay diretso kami sa kung saan kami nanggaling.

 

Peak 11 = Mabagal na Roller Coaster Ride 

Nang malagpasan ang malaking bato, nagsimula na ang roller coaster ride.  Nagsimula na ang paulit-ulit na pagpanhik-panaog.  Nagkaroon ng mga paikot na daan, patarik na patarik na mga paakyat at padulas na padulas na mga pababa.  Ilang beses akong umupo muna para magpahinga; napaupo rin kahit pa inaalalayan na ni Kuya Gerry at halos paupong naglakad sa mga sobrang taas na parte.  Nagsimula na rin akong hingalin.  Siguro nagiging manipis na rin ang hangin.  Laking pasasalamat ko na hindi sumama kay kaibigang “Gutom” ang childhood friend kong si “Hika”.  Laking pasalamat ko din na nag-jogging ako sa UP noong nakaraang araw, na doon yata muna siya tumambay matapos ang halos isang oras na pag-ikot sa Academic Oval.

So ano tuloy pa ba?  Huwag lang makakahalata si “Hika” na hindi ko pala siya isinama.  

 

Peak 12 = Mababang temperatura. Malakas na Hangin.

Sa patuloy na paglalakad, patuloy ang paglalakbay patungo sa kalangitan, patuloy ang pagbaba ng temperatura, patuloy ang pag-ihip ng malakas na hangin at patuloy ang pagkapal ng hamog.  Nagsimula na ring mahawahan ng hamog ang aking mga salamin, na noong tinanggal ko ito, mas malinaw pa ang aking paningin.

Nguni’t ang aking mga mata ay kalahating bulag kapag wala ang aking mga salamin.

So ano tuloy pa ba? Ang hika, kapag dumating, konting pahinga lang wala na ‘yan. Pero iyong wala na akong makita, hindi ko tiyak kung ang nasa tagiliran ko ay isang talahib lamang o isang bangin na pala, medyo parang ibang usapan na ito.  Nguni’t konti na lamang, tuluy na tuloy na ito.  

 

Peak 13 = Tuktok ng Batulao.  

Matapos ang halos apat na oras na pag-akyat, narating rin namin ang inaasam-asam na summit.

Image

Pagdating sa tuktok, walang luntiang mga kaparangan, walang berdeng mga palayan, walang malalawak na damuhan o kahit matataas na mga puno.  Sabi nga ni Karah, “Puting dingding ba ito?”

Nguni’t hindi ko man nakita na nasa summit nga kami, iba pa rin ang pakiramdam.   May dumating na bagong kasama, ang kaibigan kong si “Pagod”. Talagang iniupo niya ako sa isang bato, itinikom ang aking mga labi at ipinikit ang aking mga mata.  Dumating ang napakalakas na hanging dumampi sa aking pisngi.  Maya-maya lamang ay narinig ko ang napakalamig niyang tinig. May ibinulong siya sa akin, na tila Extra Joss ang epekto sa aking katawan at nag-udyok na tapusin na ang second half ng aming paglalakbay:  ang pagbaba.

Ano ang ibinulong niya sa akin? “Congratulations. You made it.”  Oo, nakaya ko.  Nakaya kong sagutin ng “Oo” ang lahat ng “So ano tuloy pa ba?” na aking tinatanong sa simula pa lamang.  Nakaya kong sumagot ng “Oo” kahit sinasabi sa akin ng mga sirkumstansya na “hindi, huwag na lang kaya”. Nakaya ko at nagawa ko, nagawa namin, na makarating sa summit, dahil sinubukan namin.  Nakarating kami kahit tila “against all odds” ang scenario.  Oo, nagawa namin… dahil sumuong kami.

At sa aming pagbaba mula sa summit, sinalubong kami ng ilaw mula sa pagsilip ng araw na siyang naging daan upang makita namin ang magagandang bato ng bundok Batulao na noong una ay natatakpan ng hamog.

Advertisements

5 thoughts on “ANG LABING-TATLONG RUROK NG BUNDOK BATULAO

What about your view?

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s